Kapitbahay pinasok dalagang bagong ligo

July 29, 2020

NABIGO sa makamundong hangarin ang 36-anyos na lalaki sa dalagang kapitbahay nang makadampot ng patalim ang biktima at binantaang sasaksakin ang suspek Martes ng gabi sa Valenzuela city.

Katatapos lamang maligo ng biktimang itinago sa pangalang “Celia”, 23, at nagbibihis na nang may magbukas ng pintuan ng kanilang bahay dakong alas-9 ng gabi at sa pag-aakalang ang kanyang kapatid na lalaki ang pumasok sa kanilang tirahan sa Bautista St. Bgy Marulas, itinuloy ng dalaga ang pagbibihis.

Gayunman, nagulat siya nang makita ang kapitbahay na si Albert Estargo na siya palang pumasok sa kanilang bahay at kaagad na dinakma ang kanyang puwitan bago may panggigigil na pinisil-pisil.

Sa kabila ng naramdamang takot, hindi nasiraan ng loob si Celia at kaagad na sinunggaban ang isang kutsilyo na itinutok sa suspek habang nagsisisigaw na humingi ng tulong.

Dahil dito’y napilitang tumakas ang suspek kaya’t mabilis na humingi ng tulong ang dalaga kay P/Cpl. Reynold Panao ng Valenzuela Police Sub Station 3 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Mga kasong Acts of Lasciviousness at Trespass to Dwelling ang isinampa ng Valenzuela Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) laban sa suspek nang iprisinta siya sa piskalya para sa inquest proceedings.