Lalaki, 21, nagbigti

Natagpuang nakabigti sa puno ng malunggay ang isang 21-anyos na lalaki kahapon ng umaga.

Kinilala ni P/Lieutenant Roldan T. Dapat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Jovir Jan Palomo Panes, 21, binata, tubong Iloilo City at residente ng No. 004 Lower Jasmin St., Area A., Bgy. Payatas, ng nasabing lungsod.

Batay sa inisyal na report ni PSSgt. Genaro Diego Jr.,  imbestigador ng CIDU-QCPD, dakong alas-6 ng umaga kahapon nang matagpuan ang bangkay ng biktima na nakabigti sa puno ng malunggay sa Everlasting St., Area A, Bgy. Payatas, ng nasabing lungsod.

Ayon sa pahayag ni Nora Balase, purok leader sa nasabing barangay, pagkagising niya ng umaga ay lumabas siya sa kaniyang tahanan subalit  bumungad sa kaniya ang nakabigting katawan ng binata sa puno malapit sa kaniyang bakuran.

Agad na itinawag ni Balase ang insidente sa kanilang barangay officials na mabilis namang rumesponde at saka inireport sa himpilan ng pulisya ang nasabing pagpapakamatay ng biktima.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung may ‘foul play’ sa sinasabing pagbibigti ng binata.