Lalaki binuking ng K-9

February 12, 2020

Nabisto ang dalang high grade marijuana ng isang computer technician matapos na maamoy ng K-9 dog  nitong Miyerkules ng madaling araw sa Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen Ronnie S Montejo, ang suspek na si Charles Edward Cabling 27, at  nakatira sa Blk 3, Lot 3, Taurus St., Bgy. Banlat, QC. Siya ay nadakip ni Carl Jerome Caparas na isang K-9 dog handler sa UP Diliman.

Ayon kay Caparas, bandang alas-2 ng madaling araw, nagsagawa siya ng pagpapatrulya sa likod ng UP Main Library kasama ang kanyang K-9 dog na si Vodka.

Habang nagpapatrulya ay biglang inupuan umano ni Vodka ang nakaparadang motorsiklo na napag-alamang pag-aari ni Cabling kaya agad na ininspekyon ang sasakyan at doon ay nadiskubre ang  naka-ziplock na pinatuyong dahon ng ‘Kush’, isang metal tube pipe silver at glass pipe.

Samantala, arestado din si RJ Aaron Mondia, 19, ng Caloocan City matapos makumpiskahan ng isang sachet ng tuyong dahon ng marijuana.

Sa report, bandang 11 ng gabi nang sitahin si Mondia ng mga nagpapatrulyang pulis dahil sa pag-ihi sa pampublikong lugar sa Commonwealth Avenue, sa Brgy. UP Campus. Nakumpiska sa kaniya ang isang sachet ng marijuana na nagkakahalaga ng P360.

Arestado rin sina Glendo Sabaloan, 25, at Samuel Magat, 26, sa aktong humihitit ng marijuana sa K9th St., Bgy. East Kamias. Nakumpiska sa kanila ang isang plastic sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P120.

Pinuri naman ni Gen. Montejo ang mga pulis at maging ang K-9 handler na si Caparas sa kanilang dedikasyon sa trabaho na nagresulta sa pag-aresto sa mga nasabing suspek.