Lalaki nakitang nakabigti sa poste sa QC

NATAGPUANG  nakabigti at wala ng buhay ang isang lalaki habang nakasabit sa poste ng PLDT sa Brgy. Bungad,Quezon City kaninang madaling araw Abril 21, 2020 (Martes).

Sa report ng homicide section ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang biktima ay isinalarawan na nasa edad na 25 hanggang 30-anyos, 5’8 ang taas, katamtaman ang pangangatawan, kulay brown ang balat, nakasuot ng kulay blue na short pants at walang damit pang itaas.

Ayon sa ulat ng QCPD-CIDU,natagpuan ang bangkay ng biktima sa kahabaan ng West Avenue, corner Bulacan St., Bgy. Bungad, QC dakong 12:15 ng madaling araw.

Sinabi sa ulat na habang naka-duty ang security guard na si Arnold Deata sa West Wing Building isang menor de edad na hindi kilala ang nagsabi sa una na isang patay na lalaki ang natagpuan nito.

Agad tinungo ng witness ang lugar at nakita nito ang bangkay ng lalaki na nakasabit sa poste ng telepono ng PLDT at nakatali sa kanyang leeg ang isang tali.

Ipinagbigay alam ng witness sa mga pulis ang pangyayari na agad naman inimbestigahan at kasalukuyan ng inaalam ang pagkakakilanlan ng biktima.