Lalaking nagbantay habang ang kapatid nanghahalay

August 03, 2020

ARESTADO ang magkapatid matapos na umano’y magkutsabahan upang mailugso ang puri ng 22-anyos na dalagang kapitbahay Lunes ng madaling araw sa Las Piñas City.

Hindi na nakapalag sina Arnold Dee, 30 at nakatatandang kapatid na si Richard, 32, kapuwa construction worker at residente ng 371 Pendong Compound Real St. Bgy. Pulang Lupa nang dakpin sila ng mga opisyal ng barangay na hiningan ng tulong ng biktimang itinago lamang sa alyas “Lea”, naninirahan din sa naturang compound.

Sa imbestigasyon ni P/CMSgt. Lucia Conmigo ng Las Piñas Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD), Linggo ng gabi nang hinimok ni Arnold Dee ang biktima na makipag-inuman sa kanya sa loob ng bahay ng suspek.

Dahil sa iisang compound lang sila naninirahan, tiwala naman si Lea na paunlakan ang alok ng kapitbahay subalit nang maghating-gabi na, nakaramdam siya ng pagkahilo kaya’t nawalan siya ng lakas nang dalhin siya sa silid ng kainuman at puwersahang hinubad ang lahat ng kanyang kasuotan habang nakabantay sa labas ng pintuan ang nakatatandang kapatid ng suspek na si Richard.

Matagumpay umanong naisakatuparan ng suspek ang panghahalay kaya’t nang makauwi na sa kanilang tirahan, isinumbong ng dalaga sa kanyang ama ang pagkukutsabahan ng magkapatid kaya’t humingi sila ng tulong sa mga opisyal ng barangay na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawa.