Lasing dinakma kaselanan ng dalagita sa Valenzuela

February 24, 2020

KALABOSO ang 32-anyos na lalaki na nagtangkang dumakma sa maselang parte ng katawan ng dalagitang estudyante makaraang masalag ng biktima ang kamay ng suspek kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Gayunman, nasalat pa rin ni Retchie Paul Ambon ng Bonifacto St. Canumay East ang maputing hita ng dalagitang itinago sa alyas “Liza” bago nakatakbo upang humingi ng tulong sa mga nagrorondang barangay tanod sa lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Sa imbestigasyon ng mga tauhan ng Station Investigation Unit (SIU) ng Valenzuela police, naglalakad ng pauwi si Liza dakong alas-8 ng gabi nang masalubong niya ang lasing na suspek sa Malinis Extension, Bgy. Lawang Bato.

Tinangkang iwasan ng dalagita si Ambon subalit hinarang siya ng lalaki at nang matunugan niyang dadakmain ang kanyang kaselanan, sinalag niya ang kamay nito kaya’t ang kanyang kanang hita ang nasalat ng suspek.

Mabilis namang umaksiyon ang mga barangay tanod sa reklamo ng dalagita na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na nahaharap ngayon sa kasong Acts of Lasciviousness in relation to R.A. 7610 o ang Special Protection Against Chile Abuse, Exploitation and Discrimination Act sa piskalya ng lungsod ng Valenzuela.