LCSP pinaigting pamimigay ng libreng gatas

April 19, 2020

LIBO-LIBONG mga nanay na may mga anak na dumedede pa ng gatas ang humihingi ng libreng gatas para sa kanilang mga anak.

Ito ang pahayag  ni Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa patuloy nilang pamimigay ng libreng gatas para sa mga pamilyang mahihirap na may mga anak na mga batang naggagatas pa.

Ayon pa kay Inton sa ngayon hindi lang sa Quezon City ang humihingi sa kanila ng libreng gatas para sa mga pamilyang mahirap kundi ang buong Metro Manila.

May mga text din silang natatanggap sa labas ng Metro Manila sana ay mabigyan din sila ng libreng gatas na ipinamimigay ng LCSP, saad ni Inton.

Ayon kay Inton dahil na rin sa dami ng humihingi ng libreng gatas para sa mga bata at senior citizens, higit pa nilang pinaigting ang pamimigay ng libreng gatas para sa mga pamilyang mahihirap na naapektuhan ng enhance community quarantine (ECQ) na ipinatutupad halos isang buwan na ngayon upang labanan ang COVID-19.

Ayon kay Inton sa abot ng makakaya ng (LCSP) at sa lahat ng mga nagbibigay ng suporta na hindi na pinababanggit ang kanilang mga pangalan ipagpapatuloy ng grupo ang pamimigay ng libreng gatas sa mga mahihirap hanggang sa humupa ang sitwasyon ng bansa laban sa COVID-19.

Nagbigay din ng payo si Inton sa mga bumabatikos sa kanila na bawal ang ginagawa nila, na tumulong na lang sa mga kababayan nating apektado ng ECQ at maging ang mga legal na usapin ay tsaka na nila haharapin sa tamang panahon, ang importante ay masagip ang mga kababayan natin na kailangan ng tulong.