LCSP: This is World War 3!

March 27, 2020

"THIS is World War 3"! Ito po ang pahayag ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa kanilang weekly program sa online.

Ayon kay Atty. Ariel Inton, founder ng (LCSP), nasa digmaan ang buong daigdig pero ang kalaban ay hindi natin nakikita – an unseen enemy. And all nations should unite against this very powerful yet unseen common enemy.

Ang ating mga world leaders ay dapat magusap-usap at magtulungan dahil halos lahat ng bansa ay "sinakop" na ng kalaban. Sa Pilipinas hindi natin ito napaghandaan. Naging kampante tayo. May mga irresponsableng pahayag ang ilang opisyal na hindi mabubuhay ang virus sa mainit na lugar at kailangan lang palakasin ang immune system – tuloy nabalewala ito. Huli na nang nakita na mapanlinlang at mapanganib ang COVID 19.

Pero sa digmaang ito ano mang kulay politikal, paniwala o status sa buhay, kailangan sama-sama tayo. May tamang panahon na singilin ang mga pabaya at yung mga dapat managot sa batas.

Sa ngayon survival muna tayo, saad ni Inton.

Talunin muna ang kalaban at pag "peacetime "na saka balikan ang mga taong may atraso. Sa mga namumuno ngayon – habaan ang pasensya at gawin ang trabaho. Masakit at tagos sa buto ang mga bash ng mga tao dahil sa sitwasyon. Pero ang sagot dito ay ang pagganap ng tungkulin at hindi ang pagpatol ng galit. Sa mga tao – ang pagsunod sa mga nanunungkulan at pagtulong sa kapwa ang ating atupagin. Pag-iingat din. Panalangin sa Dios ang syang magliligtas sa atin. Itoy digmaang pandaigdig na ipapanalo ng tao. Sama-sama tayo dito.

Sa hanay ng transportasyon ay patuloy ang ugnayan ng mga kasaping pwersa ng National Public Transport Coalition. Pagsaludo at pagpupugay kila Atty. Madel Ramos at Ariel Lim sa pag oorganisa at paghahanap ng alternatibong kabuhayan para sa mga drivers. Mula sa TNVS groups – namahagi na ng ayuda sila Jun de Leon. Malaking pasalamat ang ipinaaabot nating lahat sa grupo nila.

Ang mga Ahensya ng pamahalaan sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) ay patuloy sa pagbibigay ng libreng sakay para sa ating mga frontliners sa tulong naman ng mga bus operators. Ang mga volunteers ng LCSP ay nagbibigay na rin ng libreng sakay at patuloy sa food distribution sa mga frontliners at homeless people. Ang 'Bumbero ng Pilipinas' firefighters at volunteers ay tuloy din sa pag disinfect sa mga komunidad upang sugpuin ang virus sa paligid. Laking pagpapasalamat din po sa walang kapaguran at walang takot na paghahatid ng balita sa ating lahat. Maraming salamat.

Ang mga app-based motorcycle-taxis tulad ng Angkas at Joy ride ay tumutulong din na maihatid sa frontliners at mga tao ang mga ayuda. Marami rin ang buong-pusong tumutulong sa hanay ng transportasyon.