Lim: Benepisyo ng seniors tiniyak

Alfredo Lim
Si Lim at mga senior citizens. Photo ni JERRY S. TAN

TINIYAK kahapon ng nagbabalik na alkalde ng Maynila Alfredo S. Lim na kanyang dadagdagan lahat ng benepisyo na tinatanggap ng mga senior citizens sa lungsod at bibigyan din ang mga ito ng trabaho o pagkakakitaan, sa oras na siya ay muling maupo bilang mayor ng lungsod.

Sa isang pulong kasama ang mga senior citizens mula sa District 6, tiniyak din ni Lim, pati na ng kanyang kandidato para Konsehal na si Raffy Jimenez, na kanyang palalakasin ang Office of the Senior Citizens’ Affairs (OSCA) upang higit na makatulong at mabigyan ng sapat na ayuda at pag-alaga ang mga seniors sa Maynila.

Kasama umano sa prayoridad ni Lim ang pagkuha sa listahan ng senior citizens ng lungsod upang agad silang mabigyan ng mataas na benepisyo na makatutugon sa mga mahal ng bilihin sa kasalukuyan.

‘Ang mga kasalukuyang benepisyo ay hindi na sapat upang bumili sila ng mga pangunahing pangangailangan kaya’t dapat natin  itong dagdagan,’ ani Lim.

Pinarating din ng mga senior citizens kay Lim na di na sila nakakatanggap ng mga benepisyo na dati bilang nakukuha tuwing kaarawan nila at hindi na rin umano sila parating nabibigyan ng prayoridad sa mga ospital na ipinatayo ni Lim at kung saan lahat ay libre noong panahon ni Lim bilang alkalde.

Ang mga problemang ito ay kasama umano sa prayoridad ni Lim at aniya, napakaliit ng  mga benepisyong ito kumpara sa mga naiambag ng mga senior citizens para sa lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagiging bahagi ng mga nagtatrabahong sector noong kanilang kabataan.

“Nakinabang ang lungsod ng Maynila sa ating mga senior citizens noong panahong sila ay malakas at bata pa kaya naman ngayong sila ay nasa dapit-hapon na ng kanilang buhay, marapat lang na gantimpalaan naman natin sila maski sa maliit lang na paraan gaya ng financial assistance,” ani Lim.

Sinabi din ni Lim na bukod sa pagbaballik ng lahat ng libreng serbisyo medikal sa mga ospital ng lungsod na kanyang itinatag sa ilalim ng kanyang administrasyon, titiyakin din niya na ang 12 lying-in clinics na kanyang ipinatayo ay magiging aktibo sa pagtulong sa mga buntis upang muli silang makapanganak nang libre.