Lim: Libreng city college bawat distrito ng Manila

ISANG libreng city college para sa bawat distrito ng Maynila upang tiyakin na lahat ng kabataan sa Maynila ay makakatapos ng kolehiyo, makakakuha ng magandang trabaho at magkakaroon ng magandang kinabukasan.

Ito ang inilahad na plano ng nagbabalik na alkalde ng Maynila na si Alfredo S. Lim sa kanyang pakikipagdayalogo sa daan-daang mga miyembro ng Baseco community sa ikalimang distrito ng lungsod, kung saan nagpahayag din siya ng kalungkutan sa kasalukuyang estado ng mga proyektong ginawa niya sa Baseco, partikular na ang public playground na para sana umano sa kasiyahan ng mga senior citizens at kabataan doon.

Tiniyak ni Lim sa mga residente na lahat ng kanilang pangangailangan at kapakanan ay muling maaalagaan sa unang araw pa lamang ng kanyang pag-upo sa City Hall kung siya ay papalarin, kasabay ng pagsabi na ang kanyang kandidato bilang konsehal na si Benigno Addun, Jr., ang siyang magsisilbing ‘extension’ o kinatawan niya sa mga komunidad ng Baseco upang masiguro ang mabilisang aksyon sa kanilang mga kahilingan.

Sa kanyang banda ay binanggit ni Addun ang lahat ng tulong na naibigay sa mga taga-Baseco nung si Lim pa ang alkalde ng lungsod gaya ng pagkakatatag sa mga lying-in centers kung saan libre ang panganganak; evacuation center kung saan maaring manatili ang mga residente sa oras ng kalamidad, elementary at high school buildings; isang malinis na public market, at iba pa.

Ayon kay Addun, lahat ng benepisyo na pinakinabangan ng mga taga- Baseco sa ilalim ng panunungkulan ni Lim ang siyang nagbigay sa kanya ng inspirasyon upang tumakbo bilang konsehal sa ilalim ng tiket ni Lim dahil alam umano niya na prayoridad ni Lim ang Baseco. Ani Addun, na isang dating military man at kasalukuyang chairman sa Baseco, pinahanga din umano siya ng track record ni Lim pagdating sa serbisyo publiko bukod pa sa napanatili nitong malinis ang pangalan at walang kinasangkutan na anumang anomalya o masamang bisyo.

Samantala ay binigyang-diin naman ni Lim na layunin ng kanyang planong pagtatayo ng isang libreng kolehiyo bawat  distrito ay upang mawala na ang problema ng mahihirap na estudyante pagdating sa pamasahe.

Ani Lim, na sinuportahan ang sariling edukasyon sa pamamagitan ng iba’t-ibang mahirap na hanabuhay gaya ng pagtitinda ng mga kakanin, pagiging shoeshine boy, konduktor at bodegero, tanging ang pagtatapos ng kolehiyo ang susi upang makakuha ng magandang trabaho at maiahon ang sarili at pamilya mula sa kahirapan ng buhay.

Ito, ayon kay Lim, ang siyang dahilan kung bakit niya itinayo ang City College of Manila (ngayon ay Universidad de Manila) kung saan ang college education ay walang bayad at libo-libo na ang nakinabang at ngayon ay may magaganda nang buhay.