Lim pinagkaguluhan sa Chinatown mall

Nagkagulo ang mga mamimili, manininda at maging mga simpleng namamasyal lang sa 168 Mall sa Chinatown area para makipag-‘selfie’ o ‘groupfie’ nang dumaan doon si PDP-Laban mayoral candidate Alfredo S. Lim kamakailan lang upang pagbigyan ang isang imbitasyon para mananghalian sa foodcourt ng naturang mall.

Sa nasabing pagbisita na ikinagulat at ikinagalak ng mga nasa loob ng 168 Mall, nagkaroon din si Lim ng pagkakataon na makadaupang-palad ang mga mamimili na nagmamay-ari ng mga gusali o bahay na nagrereklamo ukol sa anila ay  napakataas na real property taxes na kanilang binabayaran. Si Lim ay sinalubong sa naturang lugar nina 168 Mall administrator Delfin So at marketing chief Harry Tan gayundin ni Barangay Chairman Ben Limqueco.

Paulit-ulit na nakiusap ang mga business at property owners kay Lim na gawan ng paraan ang mataas na taxes na kanilang binabayaran sa oras na maupo na ito bilang alkalde at sa kanyang banda ay tiniyak naman ni Lim na ibababa niya ang taxes kagaya ng siya ay mayor noong 2007.

Matatandaan na mula umalis si Lim ng City Hall, ang real property taxes ay tumaas nang may 300 percent sa pamamagitan ng isang resolution na ipinasa ng Manila City Council at sa kabila ng protesta ng mga real property owners na umano ay hindi muna pinakinggan.

Samantala, umikot na din si Lim sa naturang mall patungo sa kanyang sasakyan na nasa parking lot na lubhang ikinatuwa ng mga vendors at shoppers na di magkamayaw sa pagkamay o pagyakap sa kanya o di kaya ay para kunan siya ng litrato o makapagpakuha sila ng litrato kasama siya.

Lahat sila ay pawang nagbigay ng katiyakan na iboboto nila si Lim sa darating na halalan sa Mayo at bilang ganti ay nagpasalamat naman si Lim at nangako na hindi sasayangin ang kanilang boto sa pamamagitan ng pag-ulit at pagpapatuloy ng kanyang magandang track record nang siya ay magsilbi bilang alkalde ng Maynila sa loob ng apat na termino.

Si Lim ay kilala sa kanyang track record na kinatatampukan ng kanyang  ‘womb-to-tomb’ program na kanyang inilunsad sa unang pag-upo niya bilang mayor noong 1992 at kung saan lahat ng uri ng libreng serbisyo ay ibinibigay ng lungsod mula sa pagbubuntis  pa lang hanggang sa kamatayan.