Lola,65, sinalvage sa Las Pinas

April 04, 2020

BINALOT ng plastic bag ang ulo ng isang lola hanggang sa mamatay bago itinapon ang bangkay sa isang bakanteng lote kamakalawa ng hapon sa Las Pinas City.

Dakong alas-3 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng hindi pa kilalang biktima na tinatayang nasa pagitan ng 60 hanggang 65-taong gulang, nakasuot ng  kulay rosas na duster na posibleng itinapon sa madamong bahagi ng bakanteng lote sa Padua St. BF Resort Village, Brgy. Talon 2.

Sa pahayag ni Alvin Flores, 50, ng 101 Lalaine Bennet St., BF Resort Village, naglilinis siya ng kanilang bahay nang mapansin niya ang bangkay ng biktima na binalutan ng plastic bag ang ulo.

Kaagad na ipinabatid ni Flores sa mga opisyal ng barangay ang pagkakadiskubre sa biktima na sila namang tumawag ng responde sa pulisya.

Sa ginawang pag-proseso sa krimen ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) Scene of the Crime Operatives (SOCO) walang ano mang sugat sa iba pang parte ng katawan ang biktima kaya’t malaki ang posibilidad na ang pagkakabalot ng plastic sa kanyang ulo ang kanyang ikinasawi.

May hinala rin ang mga imbestigador na pinatay sa ibang lugar ang biktima at itinapon na lamang sa naturang lugar upang iligaw ang pulisya sa gagawing imbestigasyon.

Bukod dito, wala rin isa mang residente sa lugar ang nakakakilala sa biktima kaya’t patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa naturang krimen.