Lolo, 67, gumaling sa COVID-19 sa Navotas

April 21, 2020
Lolo gumaling sa COVID-19
Screen grab mula sa Facebook account ni Mayor Toby Tiangco

PANIBAGONG pasyente na naman mula sa Navotas City Hospital ang gumaling sa Coronavirus Disease (COVID-19) at pinayagan na kamakalawa ng hapon na makauwi sa kanilang tirahan.

Si Antonio Leongson, 67, ay muling nakapiling ng kanyang pamilya matapos makauwi sa kanyang tahanan sa Bgy. Sipac Almacen pagkatapos ng 20 araw na pagkakaratau sa naturang pagamuan. Pang-lima siya sa mga pasyenteng nag-positibo sa COVID-19 na nakalabas mula sa ospital ng lungsod.

“Masaya tayo na isa na namang Navoteño ang nakaligtas sa COVID-19. Nagbibigay ito sa atin ng bagong pag-asa at lakas na mananaig tayo laban sa kinatatakutang sakit at babalik na sa normal ang ating buhay sa lalong madaling panahon,” pahayag ni Mayor Toby Tiangco.

Nagpahayag din ang alkalde ng pasasalamat sa mga frontliner ng lungsod sa kanilang patuloy na pagkakaloob ng serbisyo sa kabila ng panganib na mahahawaan sila ng COVID-19.

Pinaalalahanan din niya ang mga Navoteño na sumunod sa panuntunan ng Enhanced Community Quarantine para manatili silang ligtas.

“Manatili po sa bahay. Tumulong para hindi na lumaganap pa ang virus. Gusto nating bumalik na agad ang normal nating buhay at mangyayari lamang ito kung bababa na ang bilang ng mga kaso ng sakit,” ni Mayor Tiangco.

Sa pinakahuling taya, ang Navotas ay may 25 kumpirmado, 76 suspected at 64 probable kaso ng COVID-19.