Lolo, 74, nangmanyak ng 8-anyos, timbog

July 30, 2020

ARESTADO ang 74-anyos na lolo matapos molestiyahin ang 8-taong gulang na anak ng isang manikyurista Miyerkules ng hapon sa bayan ng Pateros.

Hindi na nakapalag si Rogelio Rico nang dakpin siya ng mga tauhan ng Pateros Police sa kanyang tirahan sa 44 E. Ragas St. Bgy Sta Ana, matapos makapagsumbong ang biktimang itinago lamang sa alyas “Kate” sa kanyang 26-anyos na ina.

Sa imbestigasyon ng pulisya, hindi na magkasama ng tirahan ang mag-ina matapos makipaghiwalay sa asawa ang ginang at nanirahan sa Al Tuazon Compound, Bgy. Sta Ana na malapit din lang sa bahay na tinitirhan ng anak.

Dakong alas-3:30 ng hapon nang pasukin ng lolong suspek sa loob ng bahay ang bata sa Ragas Street at sa kabila ng matinding pagnanasa, tanging yakap, halik at pagpisil sa puwitan ng bata ang kanya lamang nagawa sa biktima.

Matapos ang insidente, kaagad nagsumbong ang bata sa kanyang ina na humingi naman ng tulong sa pulisya kaya’t nadakip ang manyakis na lolo.

Kasong Acts of Lasciviousness ang isinampa ni P/SSgt. Lanie Palmero ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Pateros police sa piskalya ng Pateros laban sa lolong suspek.