Lolo, lola natusta ng buhay sa QC

February 05, 2020

Natagpuan ang sunog na katawan ng mag asawang senior citizen nang maapula ang sunog na sumiklab sa loob ng kanilang tahanan sa Novaliches, Quezon City, nitong Martes ng madaling araw.

Kinilala ang mag-asawa na sina Crisencio Catig, 66, at Salvacion Catig, 63, kapwa nakatira sa Block 11 Lot 16, Neptune Street, Phase 3, North Olympus, Barangay Kaligayahan, Fairview, Quezon City.

Sa inisyal na report mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) ng Quezon City, ang sunog ay naganap dakong alas-4:10 ng madaling araw sa loob ng tahanan ng mag-asawa.

Batay sa imbestigasyon, nagsimula ang apoy  malapit sa pinto kaya hindi na nagawa pang makalabas ng bahay ang mag-asawa na kapwa natagpuan ang sunog na mga bangkay sa kanilang banyo.