Lumabas na sawa nabitag

Nagulantang ang mga residente ng Barangay Batasan Hills sa Quezon City matapos makita na gumagapang ang may 12 talampakan na sawa mula sa isang creek kahapon ng umaga.

Ayon kay P/MSgt. Hilario Nebato ng Tactical Operation Center ng Quezon City Police District (QCPD) Police Station 6,  ang nahuling sawa ay isang uri ng Burmese Phyton.

Bandang alas-5:30 ng umaga nang matagpuan ng residenteng si Francis “Kiko” Palamos ang gumagapang na malaking sawa sa creek sa 2nd Street Kalayaan-B, Bgy. Batasan Hills, ng nasabing lungsod.

Agad namang ipinagbigay-alam ni Palamos sa mga kapitbahay  ang nakitang sawa kaya naman nagkaisa ang mga residente na hulihin ito bago pa man makapaminsala at makatakas.
Melnie Ragasa-Jimena

“Nagtulong-tulong kaming magka-kapitbahay para mahuli ang sawa...kasi kapag nakawala ‘yun hindi kami makakatulog ng mahimbing baka kasi pumasok sa mga tahanan namin,” ayon kay Palamos.
Mapalad namang nabitag ng mga residente sa Batasan Hills ang sawa kaya agad na dinala ito sa  Wildlife Park para sa  kaukulang pangangalaga at  disposisyon.