Magbyenan pinasok, pinagbabaril sa loob ng bahay sa QC, dedo

Dalawa katao ang patay kabilang ang isang senior citizen matapos pasukin ng tatlong armadong kalalakihan ang isang tahanan sa Quezon City Miyerkules ng gabi.

Idineklarang dead on arrival sa Diliman Doctor’s Hospital ang mga biktimang si Mel Banzuelo, 40 anyos, at ang kaniyang biyenan na si Jerita Jaquen, 73 taong gulang, kapwa residente ng Bicol Leyte St. Barangay Commonwealth.

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District nangyari ang insidente ganap na 9:40 ng gabi (Abril 22, 2020) sa loob ng tahanan ng mga biktima.

Ayon sa pulisya, kasalukuyang nakikipag usap ang biktimang si Mel sa kaniyang asawa na si Meryl nang bigla silang pasukin ng tatlong armadong kalalakihan na pawang nakasuot ng facemask.

Agad na umalingawngaw ang sunod sunod na putok ng baril. Ayon sa report nagawa pa umanong makipagpalitan ng putok ng biktimang si Mel bago matumba dahil sa tama ng bala.

Natamaan din sa dibdib ang kaniyang biyenan na natutulog umano kung saan nangyari ang pamamaril.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente para matukoy ang motibo ng mga suspek. Inaalam din kung paano nakalusot ang mga salarin samantalang may quarantine control point malapit sa lugar.