Malabon, kabilang sa may pinakamaraming drug-cleared barangays sa buong NCR

April 03, 2019

Siyam sa 21 barangay o mahigit 40% ng buong Malabon ang idineklarang “drug-cleared” ng Inter-Agency Committee on Anti-Drugs (ICAD) na pinamumunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Enero kung kaya’t nasa ikatlong pwesto na ang Malabon sa mga lungsod na may pinakamaraming “drug-cleared” na barangay sa buong Kamaynilaan.

Mataas ito kung ikukumpara sa naitalang datos ng Philippine National Police na 26.35% pa lamang sa lahat ng mga barangay sa buong bansa ang naidedeklarang drug-cleared nitong katapusan ng Enero 2019.

Ayon sa PDEA, maraming panuntunan upang madeklarang “drug-cleared” ang isang barangay tulad ng kawalan ng supply, kalakalan, gawaan, imbakan, at paggamit ng iligal na droga, na pawang sinusuri ng ICAD.

Ito ay bunsod din ng iba’t ibang inisyatiba ng City of Malabon Anti-Drug Abuse Council (CMADAC) sa pamumuno ni Mayor Lenlen Oreta, na ginawaran din ng 2nd Place sa Functionality Audit ng Department of the Interior and Local Government (DILG)-National Capital Region (NCR).

Bukod pa rito, minsang kinalala na rin ng mga awtoridad ang Malabon bilang lungsod na may pinakamaraming programa at kampanya para sugpuin ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot sa buong Metro Manila.