Malapitan patuloy ang laban vs COVID-19

March 31, 2020

SA kabila ng panganib na dulot ng nakamamatay na corona virus disease (COVID-19), patuloy ang pamahalaang lungsod ng Caloocan sa pamamahagi ng iba’t-ibang tulong at paggawa ng paraan upang tuluyang masugpo ang epidemya sa siyudad.

Sinabi ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan na patuloy ang pagbabantay ng kanilang mga kawani mula sa Department of Public Safety and Traffic Management sa barangay Malaria sa North Caloocan hanggang Quirino Highway upang tiyaking sumusunod ang mga mamimili sa physical at social distancing sa pagtungo nila sa mga pamilihan.

Nagsagawa rin ng misting and spray ang kanilang Disinfection Team sa mga lugar ng Bgy. 178 at Phase 8 sa Bgy. 176 habang patuloy na umiikot ang City Environmental Management Department sa iba pang barangay upang magsagawa ng disinfecting na panlaban sa COVID-19.

Dugtong pa ng alkalde, hindi lamang ang kapakanan ng kanilang mamamayan ang kanilang inaasikaso kundi maging ang kanilang mga health workers at medical staff ng pampubliko nilang pagamutan na nauna ng nakatanggap ng donasyon mula sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa United Arab Emirates (UAE) habang patuloy naman ang paghahatid sa kanila ng pagkain mula sa Duterte Kitchen.

Nauna rito’y naglabas na rin ng kautusan si Mayor Oca hinggil sa mahigpit na pagbabawal sa pagbebenta, pamamahagi at pag-inom ng anumang uri ng inuming nakalalasing at papatawan ng kaukulang kaparusahan ang mga mahuhuli.

Upang maiwasan ang pagdami ng tao sa mga pamilihan, inihanda rin ni Mayor Oca ang kanilang JeepPalengke na nagsimula ng mag-ikot sa mga barangay sa North Caloocan, kabilang ang mga barangay 165, 166, 167, 168, 169, 170, 171, 172, 174, 175, 177, 178, 179, 181, 182 at 185. Ayon sa alkalde, bukod sa mas mura ang mabibiling produktong gulay, karne at isda sa kanilang JeepPalengke, sa pamamagitan nito’y maipapatupad din nila ang pagpapa-iral ng physical at social distancing.

Sa kasalukuyan, iniulat ni Mayor Oca na may kabuuang 334 ang mga Persons Under Monitoring (PUM), 177 ang mga Patients Under Investigation (PUI) habang 22 naman ang may kumpirmadong kaso ng COVID 19 sa Caloocan.