Manila Zoo pansamantalang isasara

January 22, 2019

Iniutos ni Manila Mayor Joseph Estrada ang pansamantalang pagsasara ng Manila Zoo upang bigyang daan ang paglalagay ng waste water treatment facility bilang suporta sa DENR na magsasagawa ng rehabilitasyon sa Manila Bay.

Magugunitang tinukoy ni Department of  Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu ang Manila Zoo na  isa sa mga pangunahing nagtatapon ng maruming tubig sa Manila Bay kaya agad itong inaksiyunan ni Mayor Estrada.

Batay sa memorandum na inilabas ni Estrada, inatasan nito sina City Administrator Atty Ericson Alcovendaz , Department of  Engineering and Public Services City Engineer Rogelio Legaspi, Department of Public Services Head Lilybelle Borromeo, Task Force Manila Clean Chief Rafael Borromeo at Atty. Jasyer Garcia, administrator ng Manila Zoo na agad na isailalim ang rehabilitasyon ng nasabing zoo.

Kasabay nito, sinabi ni Estrada na ipagagawa na rin nila ang  waste treatment facility upang maiwasang  makaapekto sa  tubig sa  Manila Bay at iba pang  baybaying dagat.

Ayon kay Estrada, hindi na maaaring patagalin ang  rehabilitasyon ng  Manila Zoo lalo pa’t marami na ring depektibo at hindi na maayos ang  pasilidad.

Nabatid na  nagsumite na rin ng  programa para sa rehabilitasyon sina Alcovendaz,  Legaspi at Borromeo sa  pagsasara matapos na magsagawa ng inspeksiyon ang  DENR.
Sinabi ni Estrada na pansamantala lamang   ang closure upang mas maging maayos  at maaliwalas ang  pamamasyal sa loob ng  Manila Zoo.