‘Manyak’ sa lrt nakakita ng katapat!

March 30, 2019

NAKAKITA ng katapat ang umanoy manyakis na lalaking pinakita at pinaglaruan ang kanyang ari sa harap ng babaing pasahero ng Light Rail Transit (LRT) makaraang sapakin, sipain at pagbabatukan ito ng dalagang biktima noong Huwebes ng umaga.

Kahapon ay pormal ng naghain ng reklamo sa pulisya ang biktimang itinago sa pangalan “May” makaraang magtungo sa tanggapan ni Caloocan police chief P/Col. Restituto Arcanghel na personal na nag-utos kay P/Capt. Ma. Florines Bravo, ang hepe ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) na kuhanan ng salaysay ang dalaga na gagamitin nilang basehan sa pagtugis sa suspek.

Sa kanya namang pahayag kay Pat. Princess Ann Nepal, may hawak ng kaso, kumukuha pa lamang siya ng tiket sa Monumento station ng LRT dakong alas-7 ng umaga para pumasok sa trabaho noong Huwebes nang mapuna na niya ang pagsunod sa kanya ng lalaki.

Nang makasakay na aniya sila sa loob ng bagon at makakuha ng upuan, nagulat na lamang siya nang muling makita ang lalaki na nakatayo na sa kanyang harapan habang tinatakpan ng hawak na bag ang kanang kamay na tila nilalaro na ang kanyang ari.

Sinabi ni May na nagulat na lamang siya nang ipakita sa kanya ng lalaki ang ginagawang pagma-masturbate. Su-balit sa halip na matakot, nagkunwari siyang nate-text sa hawak na cellphone upang hindi makahalata ang lalaki na kinukuhanan na niya ng video ang ginagawang kalaswaan.

Nang malapit na aniya ang tren sa 5th Avenue station, dito na kinuhanan ng biktima  ang mukha ng suspek na batid niyang nabigla kaya’t sinamantala niya ang pagkakataon upang sipain, sampalin at pagbabatukan ang lalaki.

Ilang mga pasahero naman ang nabigla sa kanyang ginawa at sa pag-aakalang magkasama sila, sinabihan pa silang bumaba ng train para sa labas ituloy ang kanilang bangayan.

Dahil dito, sinamantala aniya ng lalaki ang pagkakataon at mabilis na lumabas ng train. Tinangka ng biktimang habulin ang suspek subalit nagsara na ang pintuan ng train.

Nang dumating ang biktima sa kanilang opisina, ipinasiya niyang i-upload ang video na nag-viral kaagad sa social media na naging dahilan upang mangamba ang kanyang ina kaya’t nagtungo kaagad sa pulisya upang humingi ng kaukulang payo.

Sinabi pa ni May sa People’s Tonight na hindi lang ito ang unang beses na may sinapak siyang lalaki na anya ay nam-bully naman sa kanya at sa kasama niyang lalaki loob ng isang bus sa Potrero, Malabon, kamakailan.

Panganay sa limang magkakapatid si May na pangarap maging isang pulis at kahit tapos na sa kursong Tourism, plano pa rin niyang kumuha ng pagsusulit sa National Police Commission (Napolcom) upang tuparin ang kanyang layunin.

Tiniyak naman ni P/Lt. Jemar Ronquillo, ang hepe ng investigation unit ng WCPD na tututukan nila ang kaso ni May upang madakip kaagad ang manyakis na suspek.