May sintomas inunahang madedo ng Covid-19, nagbigti

POSIBLENG dahil sa matinding takot sa mga nararamdamang sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), winakasan ng isang caretaker ang kaniyang buhay sa pamamagitan ng pagbibigti sa kanilang tahanan sa Quezon City, nitong Martes ng umaga.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCMS Elizalde T. Toledo ng Criminal Investigation and Detection Unit  ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong alas-11:45 ng umaga (March 24) nang matagpuang nakabigti ang 56 na anyos na biktima sa kaniyang tahanan sa  Sampaguita Compound, Greater Fairview, Quezon City.

Ayon sa kaanak ng biktima, kagigising lamang niya nang utusan siya ng kaniyang nanay na tingnan ang biktima sa silid nito na noon ay may sakit at nahihirapang huminga.

Subalit pagpasok umano sa kanilang sala, ay bumungad sa kaniya ang nakabigting katawan ng biktima kaya agad na humingi ng saklolo ang mga kaanak nito sa kanilang mga barangay official na mabilis namang nagreport sa pulisya.

Nakakuha naman ang SOCO team sa pamumuno ni PMaj Joseph Infante ng suicide note ng biktima na nagsasaad ng..."Lisa I Love you. Ang pera ko sa wallet ay 30 milyon panggastos na lang ninyo kung wala na ako. Wag mo ako ipasok sa bahay...kun pwede sa barangay hall o idiretso nyo na lang ako sa sementeryo. Paalam hindi ko na kaya ang sakit ng dibdib ko.  ipacheck-up mo si Lisa ganyan din ang nararamdaman ko."

Dahil sa iniwang suicide note, masusi namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad kung ang dahilan ng pagpapakamatay ng biktima ay dahil sa takot na positibo siya coronavirus disease 2019 (COVID-19) dahil sa mga sintomas na kaniyang nararamdaman.