Nuclear Biological Chemical Warfare Trained Seaborne Forces Tutulong Narin Laban sa COVID-19

PINATULONG na rin ng Philippine Army ang kanilang seaborne forces na sinanay sa Nuclear Biological Chemical warfare upang labanan ang pagkalat ng 2019 Corona Virus Disease o COVID 19.

Ito ang inihayag ni Philippine Army Chief Lt Gen Gilbert Gapay.

Ayon kay Gapay, sanay ang kanilang mga seaborne forces para magsagawa ng decontamination at disinfection.

Sa ngayon nakadeplopy aniya ang mga ito para alalayan ang mga sundalong nagbabantay ngayon sa mga border sa Metro Manila.

Ayon kay Gapay araw araw bago magpahinga ang mga ideneploy sa pagbabantay sa mga border ay isinasailalim sila sa decontamination ng mga seaborne forces para matiyak na walang mahahawa ng COVID 19.

Inihayag ni Gapay na lahat ng mga sundalong nakadeploy ngayon sa mga border at mga kalsada ay hindi pinapauwi ng kanilang mga bahay sa halip ginawan sila ng barracks para magpahinga at sila ay minomonitor ng mga medical teams ng Philippine Army.

Sa ngayon may isa silang sundalo na person under monitoring dahil nilagnat ito matapos ang ilang araw na pagbabantay sa mga border.

Handa aniya ang kanilang gymnasium sa Fort Bonifacio sa Taguig City para sa 14-day quarantine ng mga sundalong magiging person under monitoring.

Pakiusap pa rin ni Gapay sa publiko manatili sa bahay para mapigil ang paghawa hawa ng virus.