Panukalang CDCP ni Salceda tinatalakay na sa Kamara

August 21, 2020

SINIMULANG talakayin na sa Kamara ang panukalang batas (HB 6096) na lilikha ng ‘Center for Disease Control and Prevention (CDCP)’ na mangunguna para maging handa ang bansa sa mga  matitinding sakit at pandemya, at pangalagaan ang kalusugan at buhay ng mga Pinoy sa panahon ng pananalasa ng mga ito.

Idineklarang prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang HB 6096 sa State of the Nation Address (SONA) niya noong Hulyo. Inihain ito ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda noong Enero para mapaghandaan ang kumakalat na COVID-19 pandemic noon. Naging batayan ito ng iba pang mga panukala na pinagsama-sama na lamang sa iisang bill.

Ayon kay Salceda, chairman ng House Ways and Means committee, “maaaring mapabilis ang pagtalakay sa HB 6096 dahil suportado ito ng mga kasamahan niyang mambabatas at 167 ‘co-authors’ nito, bukod sa malinaw na tagubilin ng Pangulo na sadyang kailangan natin ito.”

Sa pamamagitan ng ‘Zoom live conference,’ sinimulang talakayin ito ng House Committee on Health ngayong linggo ang mga panukala ni Salceda na naglalatag ng mga akmang balangkas kaugnay sa ‘quarantine, disease surveillance,’ at ‘contact tracing’ na ginagawa ng ngayon.

Pangunahing tampok ng bill ang kaisipang maaaring magkaroon ng malawakang pagkakasakit sa bansa at dapat maging handa rito ang mga Pinoy. Ang panuhakang tugon sa suliraning ito ay hango sa mga kaalaman at nga hakbang na ginawa ng ibang bansa gaya ng China, Australia, at USA na ini-akma naman ni Salceda sa aktwal na kalagayan sa Pilipinas.

Sa kanyang huling SONA, nanawagan si Duterte sa Kongreso na likhain ang CDCP. Maaari  itong gawing hiwalay na ahensiya sa ilalim ng DOH at pagsubaybay ng Health Emergency Coordinating Council (HECC), na pamumunuan ng Health Secretary.

Naniniwala si  Salceda na higit na magiging mabisa ang ganitong istraktura dahil libre ito sa masikip na burukrasiya ng DOH at mabilisan itong makakakilos. 

Itunuturing ng maraming sector, kasama ang media na una at kumprehensibong hakbang ang CDCP sa pagplano at pangangasiwa sa pandemya. Kasama sa mga tampok na probisyon ng HB 6096 ang mga sumusunod: Paglikha ng CDCP na may malawak na poder sa pagplano ng mga akmang panuntunan at pagpapatupad nito kaugnay sa mga nakakahawang sakit;

Pagpalit ng CDCP sa DOH Disease Control and Prevention Bureau at pagsasailalim dito ng dating mga ahensiya at tanggapan nito; pagsasailalim sa CDCP ng Epidemiology Bureau at Research Institute for Tropical Medicine ng DOH;

Paglikha sa Disease Emergency Management Bureau (DEMB) na magtatasa sa tugong hakbang ng CDCP sa mga ‘health emergencies;’ pagbigay ng higit na malawak na ‘quarantine powers’ sa Kalihim ng DOH at CDCP; paglikha sa Health Emergency Coordination Council, bilang tagapag-ugnay sa lahat na hakbang ng lahat ng ahensiya ng gubiyerno tungkol sa ‘health emergencies,’ at magdedeklara nito,

Pag-otorisa sa mga LGU sa paggami sa kanilang pundong pagkalamidad sa panahon ng ‘health emergency;’ pagbigay ng malawakang ‘health emergency powers’ sa HECC at CDCP, kasama ang paglinaw sa relasyon ng the CDCP at Bureau of Quarantine kaugnay rito;

Paglikha sa National Health Emergency Response Unit (NHERU) sa ilalim ng DEMB, na bubuuin ng mga sanay na ‘first-responders’ at magsisilbing ‘frontline force’ ng CDCP sa labanan; malakihang balangkas sa ‘tracking public health emergencies;’ at

Pagbibigay ng mandato sa Foreign Affairs Secretary at DOH Secretary na magpanukala ng mahahalaga at kapaki-pakinabang na kasunduan at palitan ng mga mahalagang ‘health information’ sa ibang mga bansa at pandaigdigang mga ahensiya.

Ayon kay Salceda, ang CDCP bill ay kakambal ng isa pa niyang panukala – ang pagkukha ng Department of Disaster Resilience na ideneklara ring prayuridad ng bansa ni Pangulong Duterte.