Patay nakita sa tabi ng di pa tapos na gusali

Inaalam ngayon ng pulisya ang naging sanhi ng kamatayan ng isang lalaki na natagpuang nakahandusay sa ginagawang gusali ng Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) sa Quezon City, nitong Lunes ng hapon.

Sa inisyal na report sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktima ay nakilalang si Roberto Ancao, 56, house painter, at stay-in sa construction site ng  HLURB na matatagpuan sa Kalayaan Ave., kanto ng Mayaman St., Bgy. Central, QC.

Bandang alas-2:30 ng hapon nuong Lunes nang matagpuang wala ng buhay ang biktima sa ground floor ng ginagawang gusali. Siya ay nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo at malalalim na sugat sa katawan.

Ayon sa nagpakilalang Sonny Luis ng Department of Public Order and Safety (DPOS), nakatayo umano siya sa ika-apat na palapag ng makita niya ang nakahandusay na katawan ng biktima kaya agad niya itong inireport sa kanilang security.