Pekeng beauty contest talent scout timbog, 3 bata hiningan ng litratong naka-undie lang

April 19, 2020

ARESTADO ang 37-anyos na dance instructor matapos tangkaing linlangin ang tatlong batang babae na pinangakuan niyang ilalahok sa beauty pageant ng kanilang paaralan kapalit ng pagpapadala sa kanya ng mga larawang nakasuot lamang ng panty kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa R.A 7610 o Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang suspek na si Christian Charlie Alarcon, residente ng 22 Kaypandan St. Bgy. Canumay West matapos siyang madakip ng mga opisyales ng barangay dakong alas-6:50 ng gabi.

Sa ulat na tinanggap ni Valenzuela police chief P/Col. Ferdinand Ortega, gumawa umano ng isang chat group sa facebook messenger si Alarcon at inimbita ang mga kabataang estudyante sa elementarya na ang edad ay sa pagitan lamang ng 11 hanggang 12-taong gulang.

Hinimok umano ni Alarcon ang mga estudyante na magpadala ng larawan sa kanya kung nais na mapabilang sa paglahok sa isang timpalak kagandahan sa kanilang paaralan at dalawa kaagad na kapuwa 12-taong gulang ang tumugon.

Nang makita ni Alarcon ang larawan ng 11-anyos na biktimang itinago sa alyas “Cherry” na may angking kagandahan, hinimok niya ang bata na lumahok at magpadala sa kanya ng larawang nakasuot lamang ng panty at ipinadala pa ang retokado o “photo shop” na larawan ng isang 12-anyos na bata na unang tumugon sa panawagan na underwear lang ang suot.

Inakala naman ni Cherry na totoo ang larawan kaya’t kinausap niya ang kanyang tiyahin na kuhanan siya ng larawan na nakasuot lang ng panty at ipapadala sa suspek upang makalahok sa umano’y beauty pageant.

Nagduda naman ang tiyahin ng biktima kaya’t isinumbong niya ang hiling ng pamangkin sa lola nito na kaagad humingi ng tulong sa barangay na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.