PISTON pumalag sa pagbawas ng PUV drivers na may cash aid

April 21, 2020

PINALAGAN ng militant transport group Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) ang pagbawas ng listahan ng mga public utility vehicle drivers mula sa 435,319 to 280,000 na lang na dapat tumanggap ng Amelioration Program o financial aid mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). 

​Ayon sa programa ang mga drivers ay tatanggap ng P5,000 hanggang P8,000.

​Ayon sa grupo, batay sa pahayag na inilabas ng LTFRB sa kanilang Facebook page, sinabi ng naturang ahensiya na isinumite nito sa DSWD ang listahan ng 280,000 PUV drivers na tatanggap ng naturang SAP cash aid.

​Dahil dito, sinabi ni PISTON President Emeritus George San Mateo na ang isinumiteng listahan ng LTFRB sa DSWD na 280,000 PUV drivers ay malaking pagtapyas mula sa original na target ng LTFRB na 435,319 PUV drivers-beneficiaries batay sa opisyal na pahayag ni LTFRB Chairman Martin Delgra.

​Sinabi pa ni San Mateo na malamang matatapyasan pang 280,000 listahan na isinumite ng LTFRB sa DSWD dahil isasailalim sa counter-checking ng DSWD ang 280,000 listahan ng LTFRB.

​Binanggit pa ni San Mateo na nung ipinatupad ang ECQ noong Marso 15, 2020 lahat ng PUV drivers ay apektado at nawalan ng kabuhayan.

​Nanawagan si San Mateo na hindi dapat binawasan ng LTFRB ang kanilang listahan. Bagkus aniya dapat dagdagan ang nasa listahan upang matiyak lahat ng PUV drivers ay mabibigyan ng ayuda.

​"Pero bakit namimili lang ang gobyerno ng PUV drivers na bibigyan ng ayuda? Bakit tinapyasan ng LTFRB ang kanilang listahan na tatapyasan din ng DSWD? Samantalang nasa ika-35 araw nang nagtitiis sa gutom ang lahat ng mga PUV drivers at kanilang pamilya sa buong bansa magmula nang ipinatupad ni Pangulong Duterte ang ECQ," paliwanag ni San Mateo.