Pulis pinagbabaril ng 2 lalaki sa Quezon City

Isa na namang miyembro ng Manila Police District (MPD)  ang niratrat ng dalawang lalaking sakay sa isang motor kahapon  sa Quezon, City.

Dead on the spot ang biktima na si P/MSg Edgar Dulay Morada, nakatalaga sa MPD-Ermita Police Station 5. Siya ay namatay noon din dahil sa tama ng mga bala ng di pa batid na kalibre ng baril  sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito.

Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang mga suspek na kapwa nakasuot ng kulay gray na jacket at black at red helmet sakay ng kulay itim na motorsiklo (NMAX) na walang plaka at huling naispatan patungong San Juan Greenhills.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, dakong 12:55 ng hapon nakahimpil umano ang MC Yamaha MXI Black ng biktima na tila may hinihintay ito sa  harap ng Petron Gas Station sa kanto ng Granada St., at Valencia St., Brgy. Valencia, QC, nang sumulpot ang riding-in-tandem suspects at sunud-sunod itong pinaputukan ng baril.

Nang masigurong patay na ang pulis na kanilang pakay ay mabilis na tumakas ang mga salarin patungo sa direksiyon ng Greenhills.

Matatandaan, una na rin nalusutan ng tandem ang Cubao PS 7, dalawang linggo na ang nakalilipas makaraang itumba si P/SSgt Fernando Diamson, nakatalaga sa Intelligence Group sa Boni Serrano Avenue, Brgy. Bagong Lipunan, QC malapit sa Kampo Crame.

Hanggang sa ngayon ay hindi pa nalulutas ang pagpaslang kay Diamson maging ang pagpaslang kay Adam Moraleta, account executive ng Tribune  at miyembro ng National Press Club, na itinumba ng tandem sa Bgy. Holy Spirit nuong Hunyo 6.