Q violator na nanlait pa ng pulis, arestado

August 15, 2020

KALABOSO ang 35-anyos na lalaki na kabilang sa mga nag-uumpukang kalalakihang walang suot na face mask matapos laitin at balewalain ang payo ng isang policewoman na umuwi na sa kanilang tirahan Biyernes ng gabi sa Malabon city.

Sa imbestigasyon nina SSgt. Ernie Baroy at SSgt. Jose Romeo Germinal II, naglalakad ng pauwi dakong alas-11:10 ng gabi si Pat. Faustine Mae Esquerra, nakatalaga sa Manila Police District (MPD) Logistic Division nang madaanan ang mga nag-uumpukang kalalakihan sa kahabaan ng Sisa St. Bgy, Acacia na pawang mga walang suot na face mask.

Pinayuhan ng policewoman ang mga kalalakihan na umuwi na dahil hindi lamang nila nilalabag ang mga umiiral na ordinansa tulad ng curfew, social distancing at hindi pagsusuot ng face mask kundi nilalagay din nila ang kanilang sarili sa panganib ng hawahan ng COVID-19.

Sumunod naman ang mga kalalakihan maliban kay Raul Minerva na sa halip na umuwi ay nilait-lait pa ang policewoman na naging dahilan upang humingi ng ayuda sa nagpapatrulyang tauhan ng Malabon Police Sub Station 2 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.