QC trikers doble lungkot sa pagbalik ng MECQ

August 03, 2020

LUNGKOT na lungkot ang mga tricycle drivers sa Quezon City ngayong ibinalik sa modified enhanced community quarantine ang National Capital Region.

Ayon kay Joseph Galanao, miyembro ng Krus na Ligas TODA, doble ang lungkot ang kanilang nararamdaman dahil hindi pa nila natatanggap ang second tranche ng tulong pinansyal sa ilalim ng Social Amelioration Fund ay muli na naman silang magtitigil pasada.

Hindi pa aniya sila nakakabawi sa naging epekto ng naunang lockdwon.

Anya hanggang ngayon ay hindi pa sila kumpletong bayad sa naipong bayarin sa nagamit na kuryente at tubig.

Sinabi naman ng isa pang driver na si Arnold Versu na kahit P300  lang ang kinikita nila sa panahon ng GCQ, kahit papaano ay pamatid gutom na rin ito.

Dati kasi aniya ay kumikita sila ng P1,000 sa isang araw noong wala pang pandemya.

Apela ng mga tricycle drivers, huwag silang pabayaan ng gobyerno at abutan ng ayuda upang hindi magutom ang kanilang mga pamilya.