Quezon City pulis namaril, nagbanta

February 17, 2019

Nahaharap sa patong patong na kaso ang isang miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) makaraang  pagbantaan at barilin ang nobyo ng policewoman na nakipag-relasyon umano sa una, ayon sa ulat ng pulisya.

Ang pulis na nahaharap ngayon sa kasong ‘grave threats’ at ‘physical injury’  ay nakilalang si PO1 Franklin Segui Franco, 27-anyos, may asawa, nakatalaga sa QCPD Anonas Police Station 9 na matatagpuan sa Project 2, ng nasabing lungsod.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Arnel Siobal Calimlim, 37, may live-in partner, messenger, ng 1051 J. Fajardo St., Bgy. 538 Sampaloc, Manila at  Mia Espinosa Rosal, 19-anyos, dalaga, at naninirahan sa No. 17 Umbrella St., Bgy. Vasra, North Avenue, QC.

Batay sa report ni SPO2 Marvin P. Masangkay ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD, ang matagal nang live-in partner ng biktimang si Calimlim, na nakilalang si PO1 Shilla Paguyo ay may ‘illicit affair’ umano kay PO1 Franco.

Nitong February 14, Valentines Day, dakong alas-10:30 ng gabi ay nakatanggap umano ng tawag sa cellphone si Calimlim mula sa suspek na pulis at sinabing “P...ina mo! Papatayin kita Kasama ko ngayon si Shilla!”  

Matapos ang pagbabanta ng suspek na pulis, ay narinig ni Calimlim sa cellphone ang kaniyang live-in partner na policewoman at sumisigaw na “Tinutukan lang niya ako ng baril kaya kasama ko siya.”

Nang marinig ni Calimlim ang boses ng live-in partner ay agad itong sumakay sa kaniyang motorsiklo at pinuntahan ang bahay ni PO1 Franco sa  Agno St., Bgy. Tatalon, subalit papalapit pa lamang siya ay agad na siyang pinaputukan ng baril ng suspek.

Pero nagmintis ang bala ng suspek na pulis, tumama sa bangketa at tinamaan ang biktimang si Rosal sa kaliwang binti na noon ay naglalakad lamang sa nasabing lugar.