
Salvage victim tinali sa poste
NAGULANTANG ang isang street sweeper matapos makita ang isang bangkay ng lalaki na nakabalot ng 'duct tape' ang mukha, may tama ng bala sa ulo, at nakagapos sa isang poste sa Bgy. Pinyahan, Quezon City, nitong Sabado ng madaling araw
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima na nakasuot ng kulay orange na t-shirt at pulang shorts.
Batay sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong alas-5 ng madaling araw (August 1) nang madiskubre ng street sweeper na si Joanne Foranda ang bangkay ng biktima sa kanto ng NIA Road at BIR Road sa Bgy. Pinyahan.
Ayon kay Foranda, nagwawalis umano siya nang mapansin niya ang lalaking nakagapos sa lugar at muntikan pang hakutin ng mga basurero sa pag-aakalang basura ang nakasandal sa poste.
Agad namang humingi ng tulong si Foronda sa barangay, na siyang nagreport sa pulisya.
Sa imbestigasyon, lumitaw na nakagapos sa likod ang mga kamay ng biktima gamit ang sinturon at may karatulang nakasulat na "holdaper/snatcher pusher ako...'wag tularan sputnik gang."
Nasamsam sa lugar ang apat na basyo ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril.