Shabu ginawang pantawid-COVID

April 15, 2020
Shabu

HULI na para pagsisihan ng 35-anyos na ginang ang ginawang pagbebenta ng shabu sa inaakala niyang buyer matapos siyang dakpin nang tanggapin ang P500 markadong salapi sa pulis na nagpanggap na adik kamakalawa ng gabi sa Caloocan city.

Bukod sa isang sachet na naglalaman ng shabu na kanyang ibinenta sa halagang P500 kay Pat. Noel Sison ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan police, nakuhanan din si Rowena Estrella, residente ng 101 V. Gozon St. Bgy. 74 ng kabuuang 52-gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P353,600.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Dario Menor, nakatanggap ng impormasyon si P/Capt. Joel Guimpatan, hepe ng SDEU, kaugnay sa patuloy na pagbebenta ng shabu ng isang alyas “Bossing” sa barangay 74 sa kabila ng ipinaiiral na enhanced community quarantine.

Nang maberipika ni Capt. Guimpatan ang impormasyon, kaagad silang nagsagawa ng koordinasyon sa PDEA-NCR upang maisagawa ang buy-bust operation.

Dakong alas-9 ng gabi nang pumayag makipagtipan si Rowena kay Pat. Sison na nagpanggap na buyer sa V. Gozon St. para  ibigay ang binibili niyang P500 halaga ng shabu na nagresulta sa tuluyan niyang pagkakadakip.