Sigaw ng jeepney drivers: Wala na kaming makain!

March 25, 2020
Jeepney drivers
Ang mga jeepney drivers ng biyaheng Mercury, Cubao, at Scout Lazcano sa Barangay Paligsahan, Quezon City.

WALA na kaming makain pati na rin ang aming mga pamilya!.

Ito ang sigaw ng isang grupo ng mga jeepney drivers na humihingi ng tulong dahil  hindi makabiyahe mula ng ipatupad ang enhanced community quarantine upang labanan ang COVID-19.

Ayon sa grupo na dating bumibiyahe ng Mercury Cubao, at Scout Lazcano Barangay Paligsahan sa Quezon City, isang linggo na silang walang hanapbuhay dahil sa full implementation ng ECQ o lockdown.

“Kami po ay tiklop tuhod na nakikiusap sa mga kinauukulan tulungan nyo po kami, wala na po kaming makain pati na rin ang aming mga pamilya na umaasa sa amin,” saad ng mga drivers.

Ayon pa sa grupo wala silang ibang alam na pagkakakitaan.

Nauna rito nanawagan na rin ang ibang transport leaders sa Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (DOTr-LTFRB) na bigyan sila ng ayuda.

Humihingi din ang mga jeepny drivers ng mga facemask bilang panlaban sa COVID-19.