Tiangco ibibigay ang sweldo sa di kasama sa SAP 

April 27, 2020

SIMULA ngayong buwan ng Abril, hindi na tatanggap ng kanyang buwanang sahod na nagkakahalaga ng P121,918.88 si Navotas City Mayor Toby Tiangco hanggang sa huling araw ng buwan ng Hunyo 2022.

​Ito’y matapos niyang ihayag na ibabahagi na lamang niya ang kanyang suweldo na aabot sa P3,291,809 sa kanyang mga kababayan na hindi pinalad na mapabilang sa ipinamamahaging Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagkakahalaga ng tig-P8,000 kada pamilya.

​Handa ring abonohan muna ng alkalde mula sa sarili niyang pera ang mahigit P3 milyon niyang sasahurin sa loob ng 27 buwan upang mapasimulan na ang pamamahagi ng salapi lalu na’t pinalawig pa ang enhanced community quarantine hanggang Mayo 15.