‘Total lockdown’ residents binigyan ng gamot, bitamina

May 26, 2020

MATAPOS ang pamamahagi ng mga relief packs sa mga apektadong pamilya ng Barangay 28 na isinailalim sa total lockdown, namahagi naman ang pamahalaang lungsod ng Caloocan ng mga gamot, bitamina, gatas at iba pang mga pangangailangan para sa personal na kalinisan kahapon ng hapon.

Ginawang kasangkapan ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan ang programa ng pamahalaang lungsod na Mobile Botika upang magbahay-bahay ang kanilang essential workers na nakasuot ng personal protective equipment (PPE) para sa pamimigay ng karagdagang pangangailangan ng mga apektadong pamilya sa apat na lansangan sa naturang barangay.

Sinabi ng alkalde na hindi lamang ang mga mamamayan sa apat na kalye sa lungsod ang binibigyan nila ng proteksiyon laban sa COVID-19 kundi higit sa lahat ay ang kanilang mga essential workers na nagtutungo sa bawa’t tahanan upang mamahagi ng pangangailangan.

Nauna ng inilagay ng local na pamahalaan sa total lockdown ang apat na lansangan ng Dagat-dagatan, Kawal, Kamada at Landaska sa Barangay 28  ng hanggang Mayo 31 sanhi ng naitalang pagtaas ng kaso ng mga positibo sa COVID-19.

Patuloy naman ang pagpapaalala ni Mayor Oca sa mga residente na manatili sa kanilang mga tahanan, kumain ng masusustansyang pagkain at palaging gumamit ng alcohol at maghugas ng kamay Photo caption

Suot ang personal protective equipment, nag bahay-bahay ang mga essential worker ng Caloocan city hall sa pamamahagi ng ayuda sa Barangay 28