Triker binastos, nilait 2 traffic enforcer arestado

August 21, 2020

BINASTOS at nilait ng isang tricycle driver ang dalawang babaing traffic enforcer na sumita sa illegal niyang pagparada na naging dahilan ng kanyang pagkakakulong Biyernes ng umaga sa Pasay city.

Sa halip na magbayad lamang ng multa sa ginawang paglabag sa batas trapiko, nabaon sa patong-patong na kaso si Saturnino Asuncion, Jr., 33 ng 2109 Tramo St. Bgy. 104 matapos siyang arestuhin at sampahan ng mga kasong resistance and disobedience to a person in authority, alarm and scandal at pagbabayad ng multa sa nilabag na batas trapiko.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Pasay police Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) chief P/Capt. Allan Valdez, nagmamando ng daloy ng trapiko sina Alma Dominguez, 49 at Leticia Ancheta, 57, kapuwa local traffic enforcers ng pamahalaang lungsod ng Pasay nang sitahin nila ang ilegal na pagparada ng minamanehong tricycle ni Asuncion habang naghihintay ng pasahero sa kanto ng Taft Avenue at Protacio Street dakong alas-8 ng umaga na nagiging sanhi ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.

Nang hingin ni Dominguez ang lisensiya ni Asuncion upang isyuhan ng ordinance violation receipt (OVR), nagalit at binastos umano ng tricycle driver ang mga traffic enforcer at nilait-lait pa ang dalawa.

Dahil dito’y inaresto ni Dominguez si Asuncion subalit pumalag umano ang lalaki kaya’t tumulong na si Ancheta hanggang sa madala nila sa Police Sub-Station 3 ang tricyel driver bago siya nai-turn over sa SIDMB upang maimbestigahan at masampahan ng kaukulang kaso.