Triker binayaran ng 4 na bala, patay

February 04, 2020

Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang suspek na nagkunwari pa umanong pasahero bago barilin ang isang tricycle driver sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Ang biktima ay nakilalang si Fortunato Cagul, 40, may live-in partner na nakatira sa No.751 Martan St., Bgy. Commonwealth, Quezon City.

Sa imbestigasyon ni P/Ssg. George Caculba ng Criminal Investigation Division Unit ng Quezon City Police District, nabatid na ang krimen ay naganap dakong alas-2 ng madaling araw sa tapat ng Raflon Boutique sa Villongco St., Bgy. Commonwealt.

Ayon sa report,  sumakay ang suspek sa tricycle ng biktima at nagpahatid ito sa Villongco St.

Pagdating sa lugar, sa halip na magbayad ng pasahe ang suspek ay bumunot ito ng baril at apat na beses na pinaputukan ang biktima.

Noong matiyak na patay na ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek patungo sa Commonwelth Avenue.

Sa pagresponde ng mga tauhan ng SOCO team ay nakatid na apat na tama ng bala sa ulo at katawan ang tinamo ng biktima na noon ay nakasubsob pa sa kanyang tricycle.