Triker ginahasa dalagita na anak ng kinakasama

April 09, 2019

PINAGSAMANTALAHAN ng isang tricycle driver ang 15-anyos na dalagitang anak ng kanyang kinakasama makaraang umalis pansamantala ang ina ng biktima kamakalawa ng hapon sa Parañaque City.

Sa pahayag ng biktimang itinago sa pangalang Rocel, ala-1 ng hapon nang umalis pansamantala ang kanyang ina kaya’t naiwan sila ng kanyang 53-anyos na amaing si Danilo Gamil sa loob ng kanilang tirahan sa Bagong Parañaque Homes sa Bgy. La Huerta.

Nagulat na lamang ang dalagita nang biglang isara ng kinakasama ng kanyang ina ang pintuan at bintana ng kanilang bahay at sa pamamagitan ng pananakot, puwersahang hinubad ang lahat ng kanyang kasuotan at pinagsawa ang mga kamay sa maseselang parte ng kanyang katawan habang sinisiil siya ng halik sa dibdib at labi.

Sa kabila ng pagpupumiglas ng dalagita, nagawa ring ilugso ng amain ang kanyang pagkababae at binantaan na huwag magsusumbong sa kanyang ina dahil pareho umano silang papatayin.

Gayunman, sa kabila ng labis na sindak, nagawang isumbong ni Rocel sa kanyang tiyahin na naninirahan lamang sa katabi nilang bahay ang mapait na karanasang sinapit sa kamay ng amain.

Kaagad na sinamahan ng kanyang tiyahin si Rocel sa pulisya na naging dahilan upang madakip ang suspek na todo tanggi sa akusasyon.    

Ayon kay Parañaque police chief P/Col. Rogelio Simon, pinasamahan na niya sa kanyang mga tauhan ang biktima sa PNP Crime Laboratory sa Camp Crame upang isailalim sa pagsusuri na magiging basehan nila sa pagsasampa ng kasong rape laban sa suspek.