Triker: Kalaboso sa paghipo sa 14-anyos

February 18, 2020

SINIMULANG himasin ng isang pedicab driver ang braso ng 14-anyos na estudyanteng kanyang pasahero bago pinagapang ang kamay sa mga hita ng dalagita habang patuloy sa pag-pedal para ihatid ang biktima sa kanilang tirahan kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Nang makakita ng pagkakataon ang biktimang itinago sa alyas “Mae” kaagad bumaba sa pedicab at nagtatakbong papasok sa kanilang bahay para isumbong ang ginawang kabastusan sa kanya ng suspek na si Raymond Manalang, 28, ng 14 C Hernandez St. Bgy. Mabolo.

Nakalayo na ang suspek bago pa man makalabas ang mga magulang ni Mae kaya’t humingi sila ng tulong sa mga barangay tanod na nagsama sa kanila sa himpilan ng pulisya.

Kagad namang nadakip sa follow-up operation ng mga tauhan ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Valenzuela police ang suspek sa paradahan ng mga tricycle sa Barangay Mabolo.

Lumabas sa imbestigasyon na sumakay sa naturang pedicab na minamaneho ni Manalang ang dalagita para magpahatid pauwi dakong alas-7:30 ng gabi subalit habang tinatahak ang kahabaan ng M.H. del Pilar Street, sinimulan ng himasin ng suspek ang braso at hita ng biktima.