Valenzuela curfew violators magseseminar

April 11, 2020

ISASAILALIM na ng kapulisan sa seminar ang lahat ng mahuhuling lumalabag sa umiiral na curfew at ordinansang nagbabawal sa indibiduwal na gumala sa labas ng bahay habang ipinatutupad ang pinalawig na enhanced community quarantine.

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Ferdinand Ortega, ang lahat ng mga taong mahuhuling lumalabag sa ordinansa ay dadalhin sa St. Jude covered court sa Malinta upang doon sila isailalim sa seminar na pangungunahan ni Lt. Col. Rhoderick Juan, ang assistant chief of police for operation ng lungsod.

Bukod pa ito sa pag-iisyu sa kanila ng Ordinance Violation Receipt (OVR) na may katapat na kaukulang multa at posibleng pagkakakulong, batay sa magiging kautusan ng korte.

Kasama ni Lt. Col. Juan sa pagtuturo ng batas kaugnay sa “communicable disease, City Ordinance 670 o ang Stay at Home Ordinance, Ordinance 673 o ang Stringent Social Distancing Mesures at Ordinance 687 o ang Wear Your Face Mask Ordinance sina Capt. Jesus Mansibang, SSgt. Ramon Barcelino at Cpl. Jo Erick Dazo.

Bukod sa pagmumulat sa kaalaman kaugnay sa umiiral na ordinansa at batas, magkakaroon din ng video presentation na magpapakita ng masamang epekto ng COVID-19 sa buhay ng isang pamilya.

Sa Malabon City, sinimulan na rin ni Police Community Precinct (PCP) 8 commander P/Capt. Carlos Cosme ang pagsasagawa ng video presentation sa lahat ng mga nahuhuling pasaway sa Bgy. Tonsuya na isa sa mga barangay sa lungsod na itinuturing na magulong lugar.

Ayon kay Capt. Cosme, kinakalap nila sa isang covered court ang lahat ng mga nahuhuling pasaway at dito itinuturo sa kanila ang mga nilabag na batas kaugnay sa umiiral na “state of public health emergency”.

Ang naturang pamamaraan aniya ang naging dahilan upang unti-unti ng matututo ang mga naninirahan sa lugar na sumunod sa batas at ordinansa kaya’t paunti na ng paunti ang kanilang nahuhuling gumagala sa labas ng walang dahilan.