Van ipinarada sa Quezon City Circle na-carnap

Tinangay ng mga pinaghihinalaang carnapper  ang isang van na ipinarada sa loob ng  Quezon City Memorial Circle ng isang negosyante para magismba at dumalo sa Araw ng Palaspas kahapon ng umaga.

Batay sa  report kay P/Lt. Col. Benjie Louise Tremor, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Kamuning Police Station 10,  ang na-carnap ay isang puting  Nissan Urvan model 2018 na may conduction sticker na FOR 509, sa mismong parking area ng Max Restaurant sa QCMC sa Eliptical Road, Diliman, QC.

Sa pahayag ng  negosyanteng  si Adoracion Tolibas  Gonzales, 41-anyos,  residente ng   No. 1002 M. Tayabas St., Bgy. 232, Tondo Manila,  dakong alas-7:52 ng umaga, nagtungo sila ng kanyang mister kasama ang buong pamilya niya sa QCMC para dumalo sa Palm Sunday at ipinarada ang kanilang van sa harap ng Max Restaurant.

Pagkatapos ng misa at pagbalik umano nila sa lugar na pinaradahan nila ng sasakyan ay wala na ito.

Ayon sa negosyante, ang van ay nakarehistro sa isang nakilalang Donna Torres na dating live-in partner ni Jonard Sigua, residente ng Blk 9, Lot 2, Cristina Homes, Zabarte Road, Caloocan City, na siyang nagsanla ng sasakyan sa kanila.

Noong September 28, 2018, ay isinanla umano ni Sigua  kay Gonzales ang sasakyan sa halagang P400,000 at nangakong kukunin ito sa loob ng isang buwan subalit dahil wala pa itong pambayad ay hinuhulugan na lamang niya ito ng monthly amortization  sa halagang P29, 209 sa East West Bank.

Nabatid na may naiwan ding  P200,000 cash, mga alahas at iba pang personal na gamit sa loob ng tinangay na van.

Masusing nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa nangyaring carnapping sa loob mismo ng QC Circle sa pamamagitan ng CCTV na nakakabit doon upang makilala ang mga kanaper.