VK machine nakumpiska sa Malabon

March 10, 2020

NABUKO ng pulisya ang magdamagang paglalaro ng video karera machine ng mga kabataan matapos matunton ng pulisya ang maliit na eskinita na pinaglagyan ng makina kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Nawalang parang bula ang mga kalalakihang nahuhumaling sa pagsusugal nang biglang may sumigaw na may parating na mga pulis dakong alas-7:50 ng gabi kaya’t tanging ang dalawang makina lang ng ilegal na video karera ang naiwan sa eskinita ng Magsaysay St. Bgy. San Agustin.

Kaagad na kinumpiska ng mga kagawad ng Malabon Police Community Precinct (PCP) 6 ang dalawang video karera machines matapos mabigong matukoy kung sino ang operator o maintainer ng ilegal na sugal.

Naging mahigpit ang kapulisan sa pagkumpiska sa mga video karera machines matapos magbanta si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Archie Gamboa na masisibak sa puwesto ang hepe ng pulisya sa oras na mahuhulihan ng mga tauhan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ng ilegal na video karera machines ang kanilang siyudad.