Working, Q pass required sa Pasay

August 04, 2020

INIUTOS ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang muling pagpapatupad ng working at quarantine pass sa buong lungsod matapos ibalik ang Kamaynilaan sa ilalim ng enhanced community quarantine (MECQ).“Itong ating hakbangin ay nakabatay sa guidelines ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) kaugnay ng pagpapatupad ng MECQ na paraan upang mapigil ang mabilis na paghahawaan ng COVID-19.Inatasan ko na si Liga ng mga Barangay president, Councilor Julie Gonzales na i-coordinate ito agad sa pamunuan ng lahat ng 201 barangays ng Pasay upang maipatupad kaagad sa mga residente,” pahayag ni Mayor Emi.

Base sa direktiba ng Office of the Mayor, kailangang mayroong isang Quarantine Pass ang bawat household na magsisilbing pahintulot sa isang naninirahan dito na makalabas ng bahay upang bumili ng pagkain, gamot at iba pang esensyal na pangangailangan ng pamilya.

Dapat ding may Working Pass (Company ID/COE/Working Pass issued by barangay) ang bawat nagtatrabaho sa alinman sa mga propesyon at industriyang pinapayagan ng IATF na mag-operate sa ilalim ng MECQ.

Inaatasan ang lahat ng kukuha ng quarantine at working pass na magtungo sa kanilang barangay upang alamin ang mga panuntunan at mga kinakailangan sa pagkuha nito.

Kung ang nanghihingi ng working pass ay naging kabilang sa listahan ng mga persons under monitoring ng BHERT o yung mga ipinasasailalim sa 14 days quarantine, bago siya mabigyan ng pass ay kinakailangan muna niyang maipresenta ang sertipikasyon na ini-isyu ng barangay na siya ay nakatapos na sa itinakdang bilang ng araw ng quarantine, Health Center Certificate na siya ay walang COVID-19 at Certificate galing sa pinagtatrabahuhan na siya ay pinababalik na sa trabaho na isasailalim sa pagsusuri ng mga opisyal ng barangay.