Arnel Ignacio ‘boses’ ng overseas Filipino workers

February 28, 2019

HINDI pa ganap na natatapos ang paglilingkod sa bayan ng sikat na artista at komedyante na si Arnel ‘Arnelli’ Ignacio, matapos kumpirmahin ang kanyang bagong “krusada” bilang “boses” ng ‘Juan Movement’ partylist na nagsusulong sa interes ng mga ‘overseas Filipino workers’ (OFWs) at iba pang ‘marginalized sector’ sa lipunan.

Sa pahayag sa media matapos niyang kumpirmahin ang pagbibitiw bilang ‘deputy administrator’ sa ‘Overseas Workers Welfare Administration’ (OWWA) epektibo sa pagtatapos ng Pebrero, sinabi ni Ignacio na naniniwala siya sa prinsipyo at mga adbokasiya ng Juan Movement.

Una nang sinabi ni Ignacio na kailangan niyang magbitiw sa kanyang posisyon sa OWWA upang makapagbigay ng panahon sa kanyang amang may sakit na kanser at sa kanyang anak na aniya’y “napabayaan” na rin niya dahil sa kanyang trabaho sa OWWA.

Gayunpaman, tiniyak ni Ignacio na ipagpapatuloy niya ang paglilingkod sa bayan sa pamamagitan ng Juan Movement,

“Ang Juan Movement ay buong tatag na kumakatawan sa mga adhikain ng ating mga OFWs at ng kanilang mga pamilya,” anya pa.

Ang nasabing party list ay binubuo ng mga batang propesyonal at ‘EntrePinoy’ na nagsusulong sa isang pambansang kaunlaran na nakatutok sa kapakanan ng bawat mamamayan at ng mga komunidad.
Kabilang sa mga kilalang kasapi ng Juan Movement ay ang broadcast journalist na si Zyrene Parsad-Valencia.

Pinansin pa ni Ignacio na kailangan ang mga partylist na katulad ng Juan Movement batay na rin sa kanyang mga naging obserbasyon sa tuwing bibiyahe siya sa labas ng bansa.

“Sa aking mga opisyal na biyahe sa maraming bansa, ganuon na lamang ang  pagkainggit ko sa ibang mga lahi dahil sa kanilang maalab na pagpapahalaga sa kanilang kultura, pagsunod sa kanilang mga tradisyon, at pagpapahayag ng kanilang pagmamahal sa kanilang bayan at pagmamalaki sa kanilang pinagmulan,” ani Ignacio.

Si Ignacio ay naging assistant vice-president for community relations and services ng Philippine Amusement and Gaming Corporation bago siya napunta sa OWWA.

Sa kanyang pagbibitiw sa gobyerno, sinsero rin ang naging pagpapasalamat ni Ignacio kay Pang. Duterte sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataong makapaglingkod sa publiko.