China telecom pinaba-ban sa US

April 12, 2020

HINIMOK ng ilang US departments ang Federal Communications Commission (FCC) na bawiin ang kapangyarihan ng China Telecom (Americas) Corp na magkaloob ng international telecommunications services sa at mula sa Estados Unidos.

“This recommendation reflects the substantial and unacceptable national security and law enforcement risks associated with China Telecom’s continued access to US telecommunications infrastructure,” pahayag ng grupo ng departments, kabilang ang State, Justice, Defence, Homeland Security and Commerce, gayundin ang United States Trade Representative, sa filing sa FCC kamakailan.

Ang panawagan ay sa gitna ng patuloy  na pagbusisi ng FCC sa China Telecom,  isang imbestigasyon na sinimulan noong nakaraang taon. Tangan ng US subsidiary ng  Chinese state-owned telecommunications company ang lisensiya na magkaloob ng serbisyo sa US magmula noong 2007.

Noong nakaraang Mayo ay nagkaisang  bumoto  ang  FCC na ibasura ang kahilingan ng isa pang state-owned Chinese telecommunications company, ang China Mobile, na magkaloob ng serbisyo sa US.

Ayon kay FCC Chairman Ajit Pai, matapos ang pagboto ay natukoy ng komisyon na ang China Mobile ay kontrolado ng Chinese government.

Ang telecommunications companies ng China ay masusing binubusisi ng US. Noong nakaraang taon ay hinimok ng mga mambabatas ang FCC na rebyuhin ang China Telecom at ang iba pang Chinese telecommunications company, ang China Unicom.

Noon ding nakaraang taon ay inilagay ng Trump administration ang Huawei Technologies – ang Chinese telecoms company na siyang global leader sa next-generation 5G technology - sa isang ‘entity list’ at binawalan itong bumili ng critical components mula sa kanilang American suppliers.

Hinikayat din ng US ang iba pang gobyerno sa buong mundo sa huwag isama ang Huawei sa pag-develop ng kanilang  5G infrastructure dahil sa national security risks.

Sa filing noong Huwebes, iginiit ng departments na ang Chinese government ay may “ultimate ownership and control” sa China Telecom at sa US operations ng kompanya.

“Such ownership might allow Chinese government entities to engage in malicious cyber activity enabling economic espionage and disruption and misrouting of US communications and provide opportunities for increased Chinese government-sponsored economic espionage,” nakasaad sa  filing.

Binigyang-diin din ng departments sa kanilang filing na ang China Telecom ay nakagawa ng ‘inaccurate statements’ hinggil sa kung saan nakatago ang kanilang US records, gayundin sa US customers tungkol sa  cybersecurity at privacy practices nito na maaaring hindi nakasusunod sa US law.

Noong Miyerkoles, nagkasundo ang FCC na payagan ang  Alphabet unit Google na gamitin ang bahagi ng isang US-Asia undersea telecommunications cable.

Pumayag ang Google na i-operate lamang ang bahagi ng 12,900km (8,000-mile) Pacific Light Cable Network System sa pagitan ng United States at ng Taiwan, ngunit hindi ang Hong Kong. Tumulong ang Google at  Facebook sa pagbayad para sa konstruksiyon ng tapos na ngayong telecommunications link, subalit hinarang ng  US regulators ang paggamit nito.