COS ni BoC comm, SIBAK

August 25, 2020
Rodrigo Duterte

INATASAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Department of Justice na tingnan ang anomalyang bumabalot sa Bureau of Customs.

Maging ang Pangulo kasi ay naniniwalang ang BoC ay isa sa “most corrupt” government agency sa bansa.

Ang pahayag na ito ng Pangulo ay matapos sibakin mismo ni BOC Commissioner Rey Leonardo "Jagger" Guerrero ang kanyang sariling Chief of Staff na si Teodoro Jumamil, bunsod ng alegasyon ng korapsyon.

“Okay, let me ask you this. This is a very troublesome office for all of us historically.

Can we do it sa Customs?” ang tanong ni Pangulong Duterte kay Justice Secretary Menardo Guevarra sa public address ng Chief Executive kasama ang ilan sa miyembro ng kanyang gabinete.

Katatapos lamang magbigay ni Guevarra ng updates hinggil sa nagpapatuloy na imbestigasyon ukol sa malawakang korapsyon  sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Pinanindigan  naman  ni  Pangulong  Duterte  ang  pagiging  inosente ni Guerrero sa korapsyon sa kabila ng akusasyon dito ng kasong graft na nakasampa sa Ombudsman na may kaugnayan sa illegal designation ng apat katao.

“I can vouch na malinis ka. Problem is, do not entertain loyalties especially in government. If you think that idiot is going to destroy you, destroy him first,” anito.

Ayon sa Pangulo, matagal na niyang binalaan si Guerrero laban kay Jumamil, na sinibak sa kanyang posisyon noong nakaraang taon. "Sabi ko kay Jagger or through somebody, 'sisirain ka niyan' dahil ito si Jumamil, matagal na yan diyan sa airport napaka-corrupt ng p*t*ng*n*ng yan," ayon kay Pangulong Duterte.

"Si Jagger naman kasi I told him to fire Jumamil. Sabi ko...but it took him quite a lot of seasons to do it," dagdag na pahayag ng Pangulo.

Aniya pa, posibleng nakapagdesisyon si Guerrero na manatili sa puwesto si Jumamil dahil bago pa lamang siya sa BOC.

“Maybe because Jagger was new at that time and he would need somebody to guide him to navigate through all of this hullabaloo sa Congress. Pero sabi ko si Jumamil, tanggalin mo ‘yan kasi 'yan naglalaro ‘yan matagal na,” ayon sa Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya maaaring balewalain ang ginagawa ni Jumamil kahit pa sabihin na sinuportahan siya nito noong 2016 presidential campaign. Tinukoy din ng Chief Executive kung paanong nagkaroon ng dalawang posisyon si Jumamil. Isa sa Bureau of Customs, at sa Development Bank of the Philippines.