Dagdag na problema ng PECO

August 16, 2020
Panay Electric Company

MAS maraming tanong ang ibinunga ng ginawang pagdepensa ng mga abogado ng Panay Electric Company (PECO) sa kinukuwestiyong pagbili ng kumpanya ng luxury car na 'BMW 520D' noong 2015 na ang pondo ay galing umano sa inilaang ‘capital expenditures’ (CAPEX) ng kumpanya.

Mainit na usapin ngayon sa Iloilo City ang iniulat ng ‘local media’ na pagbili ng PECO nang nasabing ‘luxury vehicle’ sa umano’y halagang P5 milyon. Ang sasakyan ay personal anilang ginagamit ni PECO president/Chief Executive Officer Luis Miguel Cacho.

Ayon pa sa mga lokal na ulat, ibinenta naman ng PECO ang sasakyan kay Cacho noong Mayo 22, 2019, batay sa rekord ng Land Transportation Office (LTO), sa hindi pa malinaw na halaga.

Ang transaksyon ay naganap matapos namang tumanggi ang Kongreso na muling bigyan ng prangkisa ang PECO bilang ‘power distributor’ sa Iloilo at mga karatig-lugar.

Ibinigay ng Kongreso ang prangkisa sa MORE Electric Power Corporation (MORE Power).

Sa inilabas na paglilinaw sa media ng ‘Divina Law Firm,’ ang abogado ng PECO, hindi itinanggi ang transaksyon subalit ipinunto na hindi kinuha ang pambayad sa ‘CAPEX’ ng kumpanya at bagkus ay inilista bilang ‘administrative expense’ sa ‘Book of Accounts’ nito.

“The records will clearly show that said purchase was an administrative expense that was charged to PECO’s own account.

“Contrary to the false claims being peddled to media outlets, the said expense never became part of any of the amounts billed to consumers, as (what) is PECO’s practice with its administrative expenditures.

“Therefore, it is an utter and malicious lie (to claim) that the consumers were made to pay even a single centavo (for the purchase),” anang Divina Law Firm.

“Segunda-mano” rin umano ang sasakyan at ginamit ng mga opisyal ng gobyerno sa ginanap na ‘APEC Summit’ noong 2015.

Para naman kay Halley Alcarde, accountant at general manager ng Western Visayas Transport Cooperative (WVTC), kahit ang ‘administrative expense’ ay sinisingil din sa mga kostumer ng kuryente.

Aniya ang pagbili ng ‘luxury vehicle’ katulad ng BMW ay hindi puwedeng ilista bilang ‘administrative expense.’

Dagdag pa niya, lumalabas na sa taong 2015, umabot lang sa P747,000 ang nakalagay na gastos para sa transportasyon ng PECO sa financial report nito.

Samantala, pinansin naman sa mga ulat na para sa taong 2015, umabot sa halos P5 milyon ang naitalang gastos ng PECO para sa pagbili ng mga ‘distribution wires’ at ‘hardwares.’

Bilang bahagi ng ‘regulatory periodic review’ ng ERC para sa taong 2011-2015, nagsumite ang PECO sa ERC ng gastusin para sa transportasyon sa mga sumusunod na halaga:

2011, P2,133,851; 2012, P2,231,446; 2013, P2,337,988; 2014, P2,447,289 at 2015, P2,560,476.

Wala naman umanong nabiling mga sasakyan ang PECO matapos magastos bilang pambayad sa BMW ni Cacho.