EX-Vice President Binay: marami pang dapat gawin

February 25, 2019

IPINAHAYAG ni dating Vice President Jejomar Binay ang kanyang planong palawakin at paigtingin ang mga programang panlipunan na sinimulan niya bilang mayor ng Makati at ipinagpapatuloy ng kasalukuyang administrasyon, kapag nahalal siyang kinatawan para sa unang distrito ng Makati.

Sa kanyang talumpati sa isang forum tungkol sa Good Governance na inorganisa ng YMCA of Makati, sinabi ni Binay na kabilang sa kanyang mga magiging prayoridad ang college scholarships, programang pangkabuhayan, at medical assistance sa mga specialized health care institutions at hospitals sa pangangasiwa ng pambansang pamahalaan.

Ang dating Makati mayor na naglingkod ng mahigit dalawang dekada sa mamamayan ng lungsod bago siya mahalal bilang Vice President noong 2010, ay tumatakbo para sa Kongreso bilang opisyal na kandidato ng United Nationalist Alliance (UNA) sa tiket ng nakaupong Makati Mayor Abby Binay.

Aniya, kung siya ay tatanungin kung bakit nais niyang ipagpatuloy ang serbisyo publiko, ito ay dahil naniniwala siyang marami pang dapat gawin upang mapanumbalik ang dignidad ng taumbayan.

Upang palawakin pa ang maraming benepisyo at serbisyong ibinibigay ng pamahalaang lungsod sa mga mamamayan nito, makikipag-ugnayan siya sa Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Labor and Employment (DOLE), at iba pang mga ahensya upang mapaunlad ang kasanayan ng mga taga-District 1 at magbigay ng trabaho at dagdag na pagkakakitaan.

Layon din ni Binay na magtatag ng medical assistance program sa National Kidney and Transplant Institute, Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, at iba’t ibang ospital na nasa pangangasiwa ng national government. Maglalaan din siya ng pondo para sa pagbibigay ng karagdagang kagamitan sa Ospital ng Makati at mga health center.

Bilang kauna-unahang local appointee ni President Corazon Aquino pagkatapos ng 1986 EDSA Revolution, ikinalungkot ni Binay na bagama’t nakamit ng bansa ang political freedom noon, hindi pa rin tapos ang pakikipaglaban ng taumbayan para sa kalayaan makalipas ang 33 taon.

Aniya, ang patuloy na kahirapan ng nakararaming mamamayan, sa kabila ng kaunlarang tinatamasa ng bansa, ang pinakamalaking hamon para sa mga namumuno sa bansa.

Samakatuwid, aniya, dapat tugunan ng mga namumuno sa gobyerno, pati na ang mga nagtatrabaho sa gobyerno, ang hamon ng pagpapanumbalik ng dignidad ng mga mahihirap. Kailangang mabigyan sila ng kaukulang oportunidad upang umunlad, at kilalanin ang kanilang karapatang magkaroon ng edukasyon at health care, sapat na pagkain, ligtas na pamumuhay, at tratuhin nang patas at pantay sa ilalim ng batas.

Hindi aniya ito imposible, dahil nagawa ito sa Makati. Mula sa isang bangkaroteng munisipalidad na kanyang nadatnan noong 1986, ang Makati ngayon ang kinikilalang pinakamayamang LGU sa Pilipinas, ayon mismo sa Commission on Audit.

Pagkalipas ng 33 taon, nagtagumpay ang Makati sa paghahatid sa lahat ng mamamayan, lalo na sa mahihirap, ang may kalidad na serbisyong pangkalusugan at edukasyon, na dati ay abot-kamay sa iilan lamang, ayon pa kay Binay.

Pinabulaanan din ni Binay ang puna ng mga kritiko na ang mga programang panlipunan ng Makati ay dole-outs na sanhi ng pagiging pala-asa at panlilimos ng mga mamamayan. Aniya, karapatan ito ng mga mamamayan at itinuturing niyang investment para sa kinabukasan ang mga programa, at hindi gastos lamang.

Iniangat at pinatatag ni Mayor Binay ang public education system sa lungsod dahil sa paniniwalang ang edukasyon ay isang ‘great equalizer’ na nagbibigay ng malaking pag-asa sa kabataan, lalo na ang mga mula sa mahirap na pamilya, upang magtagumpay sa buhay.

Binigyang prayoridad niya ang pagtatayo ng mga modernong gusali ng paaralan sa bawat barangay, at itinatag niya ang libreng edukasyon na hganggang ngayon ay nagbibigay ng halos lahat nang pangunahing pangangailan ng bawat batang mag-aaral, upang maibsan ang gastusin ng mga magulang.

Ang kanyang inisyatibang Makati Health Program, na mas kilala sa tawag na Yellow Card, ay kinilalang “Best Practice” ng Dubai International Awards noong 2002. Sa kasalukuyan, tinatamasa ng Makatizens na benepisyaryo ng Yellow Card ang subsidized hospitalization, free outpatient services, libreng gamot, at iba pang mga serbisyo.

Isa pang tanyag na programang sinimulan ni Binay ang Blu Card program na namamahagi ng cash gifts, libreng sine, libreng birthday cake at iba pang mga benepisyong humihigit sa mga itinakda ng national law.

Sa isang 2002 study na isinagawa ng Policy Center ng AIM, pumangalawa ang Makati sa Japan sa Human Development Index (HDI), at mas mataas kesa Malaysia, China at Indonesia. Kabilang sa criteria para sa HDI rankings – na isang tool na ginawa ng United Nations – ay ang life expectancy, adult literacy, school enrolment, educational attainment, at per capita GNP.