Francis Leo Marcos peke o lodi?

VIRAL sa social media ngayon ang isang nagngangalang Francis Leo Marcos na naghahamon sa lahat ng bilyonaryo sa bansa na lumabas ng bahay para magbigay tulong sa mga mahihirap na kababayang biktima ng COVID-19.

Katunayan, ayon mismo kay Marcos, umabot na umano sa apat na milyon ang viewers nito, iba pa ang mga likers at nagshe-share sa kanyang Vlog na halos pinag-uusapan na rin sa iba’t ibang group chats.

Marami ang pumupuri sa adhikain ni Marcos, lalo’t inilalabas sa kanyang Facebook live kung pano siya umiikot at namimigay ng pagkain at tubig sa mga tao sa lansangan – kabilang na ang mga frontliners na pulis at MMDA traffic enforcers.

Ang tawag sa kanya…kung hindi Boss Francis ay Lodi at iyong iba ay nagpapa-selfie pa sa kanya!

Higit na nag-trending si Marcos nang hamunin sa FB Live ang mga kapitbahay sa Green Meadows Subdivision sa Pasig City. Hindi kasi pinapasok ang isang truck na punung-puno ng bigas sa mamahaling subdivision.

Nang hindi pahintulutan ang pagpasok ng truck, ipinahakot nito ang mga bigas sa kanyang kulay puting Ford Expedition.

Dahil dito, muling pinagdiinan ni Marcos ang tinatawag niyang ‘Mayaman Challenge’ na panahon na aniya upang gampanan ng mga pulitiko ang kanilang ipinangako sa taumbayan.  Labas pa rito ang pagbitaw ng masasakit na salita at pagtawag sa mga kapitbahay sa Green Meadows na mga ‘supot’ dahil ayaw nila umanong lumabas sa kani-kanilang mansiyon para tumulong sa taumbayan.

Habang marami ang pumupuri sa kanya, may hiwalay namang trending sa kanya na may kinalaman sa umano’y tunay na pagkatao nito.

Isa na rito ang post ng isang nagngangalang John Robert Raule Pelayo na nagsabing ang tunay na pangalan ni Francis Leo Marcos ay Norman Mangusin.

Aniya, hindi ito lehitimong residente ng Green Meadows, kundi co-tenant lamang ng isang Chinese na may inupahang tatlong mansiyon sa exclusive subdivision at umuupa lamang sila noong nagdaang buwan.

“He is simply a front of one Chinese guy who is being given a difficult and hard time by the homeowners due to his illegal activities and businesses,” sabi pa sa post ni Pelayo.

Hindi rin aniya totoo na walang ginagawang tulong ang mga residente ng Green Meadows sa mga kababayang mahihirap dahil may sarili silang group chat at napagkasunduang hindi nila kailangang isapubliko pa ang kanilang ginagawang tulong sa gitna ng pananalanta ng COVID-19.

Ayon pa kay Pelayo, si Marcos ay inaresto noong taong 2016 dahil sa kasong estafa at nakalaya lamang ito dahil sa piyansa.

Noong Hulyo 8, 2019, mismong si dating First Lady Imelda Romualdez Marcos umano ang sumulat kay dating NBI director Dante Gierran upang paimbestigahan ang isang nagngangalang Francis Leo Marcos.

Ilan umano sa laman ng sulat ng dating Unang Ginang laban sa nagpapakilalang Marcos ay: “He has claimed that he is the son of Dr. Pacifico Marcos, the brother of my late husband, and that he has been chosen by the Marcos family as the custodian of alleged wealth which we are not in possession of; he uses my photograph on social media after photo opportunities and has produced a film positioning him as a signatory to the world’s wealth. He targets wealthy Chinese businessmen who want to do business in the Philippines and attracts them thru charitable causes.”

Ang Chinese big boss umano ni Mangusin, alyas Marcos, ay isang nagngangalang Bernard Chong.

Samantala, isa sa miyembro ng Marcos clan ang nagkumpirma sa People’s Tonight na isang pekeng Marcos si Mangusin.

Nakiusap na lamang ito na ‘wag na munang banggitin ang kanyang pangalan dahil alam  may hiwalay na ring kasong isasampa laban sa kanya ang homeowners association ng Green Meadows.

Duda rin ang isang original na miyembro ng Marcos clan kung saan galing ang yaman ni Mangusin.

Sa isa pang socmed post, nabatid na nagtangka umanong tumakbo sa pagkasenador si Francis Leo Marcos noong taong 2012, ngunit idineklara itong ‘nuisance candidate’ ng Commission on Elections.

Hinahamon din ng ilang taga-Green Meadows si Mangusin na patunayang isa itong lehitimong residente ng kanilang subdivision, lalo’t pati ang ipinakikita umanong mamahaling Ford Must lang ay duda nilang hindi ito nakapangalan sa kanya.

Sa kabila nito, marami pa rin ang humahanga kay Mangusin, ngunit marami rin ang nayayabangan sa kanya lalo’t ang tono ng pananalita umano nito ay hindi asal o wala sa character ng isang tunay na Marcos.

Marami ang nag-aabang at naghahangad din kung gaano talaga kayaman si Mangusin at magkano ang ibinabayad na buwis nito kada taon sa pamahalaan.

Bukas ang People’s Tonight sa anumang reaksiyon ni Mangusin para sa kanyang panig.